Time Check: 2:12am
Alam ko alanganing oras para magisip ng kung anu-ano. Kung tutuusin dapat nahihimbing na ako sa mga panahong ‘to pero hindi ko alam kung bakit ako dinala ng mga kamay ko sa pagttype ng mga salitang hindi ko na namamalayan kung saan nanggagaling. Enter.
Ang totoo, gusto ko lang naman ishare na gusto kong manuod ng No Other Woman. Iyong bagong pelikula ni Anne Curtis, Derek Ramsey at Cristine Reyes. Bakit? Wala lang. Gusto ko lang kiligin. Ibang klase kasi yung pakiramdam kapag nanunuod ako ng mga ganyang pelikula.
Naaalala ko na paborito ko yang mga ganyang klase ng kwento noon pa. Minulat siguro ako nung pelikulang Unfaithful ni Diane Lane, bata pa lang ako, alam ko na yung pelikulang yun. Hindi ko man alam kung ano yung tunay na pakiramdam, naiintindihan ko na talaga may issue. Nagsimula akong makaramdam pagkaapekto sa mga ganyang pelikula dahil sa A Love Story ni Maricel Soriano Aga Muhlach at Angelica Panganiban. Sino ba naman ang makakalimot sa, “Hindi mo siya kailangan, kailangan ko siya” o yung, “Mahal kita, sobra, kahit alam kong hindi na tama”. Isa pa yung One True Love ni Marian Rivera at Dingdong Dantes. Paano nga ba naman kasi kung may kahati ka sa pagmamahal ng isang tao? O, paano kung nahihirapan kang pumili sa kung sino ang mamahalin mo?
May mga pagkakataon kasi na hindi maiiwasan ng tao ang tukso. Kung sino man ang nakaimbento ng bagay na yun, LAKAS NIYA! Ang dami niyang napapatumba. Pero sa puntong ito, naniniwala ako na sa oras na nagpadala ka sa tukso, magbilang ka na ng maliligayang araw mo. Darating at darating yung panahon na gugustuhin mong tumakas pero ang tanging paraan palabas e yung pagpili. Hindi kasi talga pwedeng magmahal ng dalawa. Hindi yun totoo, magpakamatay na magsasabing kaya niyang magmahal (romantically) nang dalawa.
Simple lang ang sagot sa kung sino ang pipiliin, hanapin o alamin mo kung saan ka talaga magiging masaya. Kung sino yung unang naiisip mo sa paggising, kung sino yung huling nagpapangiti sa’yo bago matulog, at kung anu-ano pang simpleng bagay na hindi mo lang napapansin. Ang mahirap diyan, katulad ng kahit anong teorya na natutunan sa school, e yung application. Alam mo nga kung sino, hindi mo naman alam kung paano. Marahil takot o sadyang selfish lang. Pero siyempre, dun na lang tayo lumagay sa una.
LAKAS NG LOOB. Kung talagang gusto mong kumawala sa kinalalagyan mo dulot ng makapangyarihang Tukso, tibay ng dibdib ang kailangan mo. Sa puntong ito, dapat nakapili ka na, dapat natimbang mo na kung sino talaga. Kung hindi pa, bumalik ka sa naunang paragraph. Kung oo, huminga ka nang malalim, harapin ang taong hindi mo pinili, at sabihin mo sa kanya ang totoo. Uulitin ko, TOTOO. Lagyan na nang tuldok ang pagsisinungaling, tapusin ang panloloko kung nahihirapan ka na rin. Huwag matakot na maiwan mag-isa, huwag matakot na baka maubusan ka. Dahil ang tunay na nagmamahal, nagpapatawad sa taong marunong magpakumbaba. Ang taong nagmamahal, nagpapatawad sa taong marunong umaming nagkamali sila.
Pero higit sa lahat, kailangang tandaan na dapat marunong tayong matuto mula sa mga pagkakamali. Ang minsang pagiging biktima ng tukso ay kayang patawarin ngunit sa pangalawa o pangatlong pagkakataon, ewan ko na lang, bisyo na? Dahil sa mga susunod na pagkakataon, wala ka nang magagawa, kahit pindutin mo nang paulit ulit yung Esc button, hindi ka na makakatakas, makukulong ka na diyan.
Babalik ako sa pelikulang No Other Woman, o sa mga katulad nitong Filipino films. Ibang klase talaga kapag ganito ang tema, kumakagat sa puso ko e. Ang hirap panuorin nung mga taong nasasaktan. Damang dama! Sa mga ganoong pagkakataon hindi ko alam kung sinong papanigan ko. Ang alam ko lang, lahat sila nagmamahal. Lahat sila nasasaktan. At hindi nila yun sinasadya.
Time Check: 2:27am
No comments:
Post a Comment